Sitio Bertese, Magaan sa Damdamin

BERTESE PAMASKONG HANDOG 2008.jpg

HINDI maihahambing ng anupamang bagay ang mararamdaman mong kagaangan ng loob matapos mong makibahagi sa pagpapasiya sa 60 mga pamilya sa Sitio Bertese, Brgy. Lennec, Guimba.

Sa tulong ng mga tao at organisasyong tulad ng  Corregidor Batch 67, Guimbanian Association of Manitoba Canada at OLSHA Batch 82, na may mabubuting puso para sa mahihirap, bago matapos ang buwan ng Disyembre, pang 12 komunidad ang Sitio Bertese ng Barangay Lennec sa mga naging benepisyaryo ng Radyo Natin Guimba 105.3 FM-Operation Damayan: Panaskong Handog 2008.

Bumibilang sa  12 km ang layo ng naturang Barangay sa Bayan at humigit kumulang 4km naman mula sa highway na boundary ng Guimba at Cuyapo.   Maalikabok ang makitid na kalsada at puro bukirin sa magkabilang gilid, tama para sa descripsyong “far-flung”area dahil tila pinagkaitan ng teknolohiya.  

Mabuti na lamang at mayroon silang eskwelahang pang-elementarya upang mabigyan ng edukasyon ang sangkatutak na kabataan doon.

Sa pinagdausan ng gift giving, nakita ng Radyo Natin Guimba, kasama si Dr. Felix Lumang, ang tindi ng pangangailangan ng Sitio Bertese.   Karamihan sa kabahayang ay nasa kaloob-looban na bahagi ng Sitio at yari sa ‘pan-aw’ o cogun.  Maliit para sa isang pamilya, ngunit kinasayan na ang pagsisiksikan.  Kitang-kita sa kanila ang kasabikan na makatanggap ng tulong, na kahit maliit ay malaking bagay na para maipagdiwang nila ang pagsapit ng Bagong Taon.

“Napakaraming bata! dito pala matatagpuan ang pabrika ng mga bata”, biro ni Dr. Lumang.   Hindi naman ikinasama ng loob ng mga residente ang biro.  Bagkus ay nagtawanan pa sila, dahil anila, kahit salat sila sa ibang bagay, marami naman silang kayamanan… ang kanilang mga anak!

Bago magsimula ang programa, nagkaroon muna ng parlor games sa mga bata kung saan bawat kakanta ay bibigyan ng aginaldo.  Ngunit sa kalaunan, dahil sa dami ng mga bata, ipinasya na lamang na lahat sila ay makatanggap ng candies at malutong na tig-bente pesos.  Nagmistulang Santa Claus ang Doctor, na halos madapurak sa nag-uunahang mga bata.  Maging ang mga magulang ay hindi nagpapigil, maging sila ay nakipag-unahan para mabahaginan ng grasya.

Kapansin-pansin ang isang matanda na lumapit sa Doctor . Yumakap at humalik habang  naiiyak sa pagssabing “Salamat at may nagpuntang doctor at radyo para kami ay tulungan.”

Sa panahon ng gift giving, tatagos sayong  damdamin ang bawat ngiti at kislap sa mata ng mga taong umaabot ng gift pack, bagay na nanaisin mong ulit-ulitin tuwing Kapaskuhan.  

Matapos ang gift giving, may mga magulang na lumapit at ipinakita ang kanilang mga anak.  Sinuri ni Doc Lumang ang batang 2 buwan ng may lagnat, payat at may sugat ang mga paa at binti.  Nagkaroon umano ng impeksyon,  kaya naman binigyan ng libreng gamot para dito. Isang bata pa ang sinuri pagkat ito’y klefpalet, kung saan, apektado ang kanang mata nito hanggang ang iba pa ay nagpatingin na rin.  Kaya ang gift giving ngaing medical mission na rin, kahit puro check-up lang.

 

Isinulat ni: 
Loida Ignacio/ENERO 4, 2009