Bangkay ng babae at lalaki itinapon sa Nueva Ecija
CABANATUAN CITY --- Dalawang bangkay ng babae at lalaki ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Nueva Ecija, na hinihinalang pinaslang sa ibang lugar at dito lang itinapon upang iligaw ang mga awtoridad.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Sr. Supt. Ricardo Marquez, Nueva Ecija police director, unang natagpuan ang bangkay ng lalaki sa Sityo Embuscado, Bgy. Caalibangbangan bandang alas-5:30 ng umaga.
Nakahandusay ang lalaki sa gitna ng lansangan na tadtad ng tama ng saksak sa katawan at tila may markang binigti ito. Nakasuot ang lalaki ng t-shirt na may tatak RICOMO sa harap at STAFF sa likod. Nakapantalon ng kulay brown at may tattoo ito sa kanang braso.
Bandang alas-sais ng umaga naman nang matagpuan ni Bgy. Captain Dionisio Buan, ng Bgy. San Felipe, Aliaga ang bangkay ng babae. May tama ito ng baril sa ulo at tinatayang may taas na 5’2” at nakasuot ng puting t-shsirt.