Vice Ler, Ginarantiyang mababayaran ang minanang utang ng kaniyang tanggapan sa Shell Gasoline Station

Written by: 
RNG FM News/HULYO 3, 2009
Program: 

SA salita ni Guimba Vice Mayor Ler de Guzman, ginagarantiyahan nito na mababayaran sa Shell Gasoline Station ang pagkakautang ng tanggapan ng Pangalawang Punong-Bayan noon pang taong 2007. Bagamat inamin nito sa mga kinatawan ng Shell na paunti-unti ang gagawing pagbabayad dahil hindi umano kakayanin ang minsanang pagbabayad ng utang.

Sa nakakaraang sesyon ng SB ay nagpaabot na ng liham ang Shell kaugnay sa kanilang pautang noong Marso, Abril at Mayo, pawang taong 2007 na umaabot sa kabuuang P132, 849.00.

Dahil dito, pinagharap ng SB ang kinatawan ng Shell at ang Municipal Treasurer upang linawin ang mga kaugnay na usapin..

Ayon kay Municipal Treasurer Agueda Santos, nagbabayad naman umano ang Munisipyo ng utang sa Shell. Nagtataka nga umano sila dahil kahit kababayad pa lamang ay agad uli silang naniningil. Hindi naman sa hind nila nais bayaran, lamang ay kailangan ng proof of purchase tulad ng official reciept (OR) para malaman kung sino ang nagpakarga ng gas.

Sagot naman dito nina Gng. Tere Macauyam at Gina Pejorada, matagal ng ibinigay sa Munisipyo ang original copy ng OR ngunit pinapabalik-balik sila kaya hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa sila nababayaran.l.

Dagdag pa, lagi umano silang hinihingan ng kung anu-anong papeles na pagpapatunay, gayong naibigay na nila ang mga ito noon-noon pa. Kaya kung hihingan pa sila ulit ay wala na silang maibibigay dahil ibinigay na nila lahat sa Tresurera ang mga resibo.

Binigyang diin pa ng Shell na batid ni Gng. Agueda Santos ang hinggil sa nasabing utang dahil nagkaroon na rin meeting noon at sa tuwing maniningil ang isinasagot sa kanila ay wala pang tsekeng nagagawa.