Consierto sa RNG: Handog Awit para sa Bayan Boto Bigyan ng Dangal !!!
SA katapusan ng Oktubre 2009 ay ika-5 Anibersaryo ng Radyo Natin Guimba (RNG) at sa bisperas nito, Oktubre 30, 2009, isang kulturang pagtatanghal ang ilulunsad sa temang, Consierto sa RNG: Handog Awit para sa Bayan Boto Bigyan ng Dangal. Ito ay naglalayong ikampanya sa pamamagitan ng musika ang panawagan para sa malinis, mapayapa at responsableng pagboto, bilang isang hakbang sa pagkakamit ng mabuting pagsasagubyerno.
Magsisilbing pasimula ito sa serye ng mga aktibidad na dudulo sa monitoring and reporting sa May 2010 election, ang ikatlong pakikibahagi ng RNG sa halalan.
Kaganapan noong 2007.........
Unang pakikibahagi ay noong Mayo 2007 Senatorial and Local Eletion at ang pangalawa ay ang Barangay Election noong Oktubre 2007. Sumuporta ang RNG sa pre-election survey ng DZRH; nag-ere ng talakayan sa radyo para maipabatid ang pananaw at paninidigan ng mga kandidato sa ilang usapin; at nagasagawa ng monitoring and reporting sa mismong araw ng eleksyon.
Noon ay nasaksihan ng RNG ang tila regular na mga irregular na eksena tuwing panahon ng halalan: Pagbuhos ng mga biyaya sa Barangay tulad ng saku-sakong bigas, poso, alak at salapi kapalit ng boto; Hindi makitang pangalan ng botante sa voters list habang nananatili naman sa listahan ang mga taong matagal ng yumao; Mga polling precint na tinanghali sa pagbubukas at walang serbisyo ng kuryente; at Protetsa ng mga natalo.
Nasaksihan din ang palahaw ng mga natalong kandidato kung saan kinukutya ang mga botante na umanoy pinakain na at binigyan pa ng pera, ngunit iba ang binoto habang ang iba naman ay ibig ipabunot ang mga posong binigay sa Barangay.
Samantala, sa karatig Bayan ay naganap naman ang mga insidente ng pamamaril at pagkamatay ng mga kandidato at supporters bago at matapos ang halalan.
Kampanya ng RNG.........
Kasabay ng pagporma ng mga kandidato sa kampanyahan ay ang pangangampanya din ng RNG sa mga Novo Ecijano para isulong ang kasagraduhan ng boto. Nangangahulugan ito ng pagtatakwil ng instant salapi o anumang suhol kapalit ng boto at ang pagtanggi na magamit sa karahasan.
Katumbas nito ay ang pagiging vigilant ng lahat laban sa iba't-ibang klase ng pandaraya at bahagi nito ay ang aktibong pag-uulat sa Radyo ng mga kaganapan sa halalan.
Ito ang kampanya ng RNG sa darating na 2010 eleksyon, ang pagsusulong ng kasagraduhan ng boto.
Awit para sa Bayan.........
Sa pamamagitan ng pag-awit at pakikinig ng mga awitin, na hilig ng mga Pinoy, inaasahan na maitatawid sa damdamin at isipan ng mamamayan ang panawagan para sa mapayapa, malinis at makabuluhang halalan.
Maghahandog ng mga awiting pambayan ang mga piling Haranista, NHGL Band, local personalities at professional performers. Ilan dito ay ang mga popular na awitin ng Buklod, Asin, Inang Laya, Yano, The Jerks, Garry Granada, Joey Ayala at iba pa.
Lahat ng dadalo sa consierto ay hihikayating lumagda sa isang isang unity statement kaugnay sa pagsususlong ng makabuluhang halalan. Gaganapin ito sa compound ng RNG sa P. Ramos St. Sto. Cristo, Guimba, Nueva Ecija. Kasabay ng live concert ay ang pagsasahimpapawid nito sa radyo.
Panawagan sa Suporta.........
Ang lahat ay inaanyayahang na dumalo sa libreng pa consierto ng RNG. Gayundin ay hinihikayat ang sinumang indibidwal o grupo na nais magbahagi din ng awitin, sayaw at iba pang talent bastat may kaugnayan sa tema.
Nanawagan din po ng suportang pampinansya para sa pangangailangan ng mga performers, upa sa sounds, lights and effects, stage, instruments, foods at iba pang kailangan para sa matagumpay ng pagtatanghal.
Sa mga nais sumuporta, makipag-unayan lamang po sa tanggapan ng RNG.
HANDOG AWIT, BOTO BIGYAN DANGAL...
H-amon sa sambayanan lalu sa kabataan,
A-wit nila'y pakinggan, dangal ng boto mo'y isaalang-alang.
N-agsusumamong tinig, hangad ay kapayapaan,
D-angal ng boto mo'y, dangal ng malinis na halalan.
O-ras na upang tayo'y kumilos mga kababayan,
G-umawa ng mabuti, ialay sa bayan.
A-ting limiin, mensahe ng buhay,
W-alang puknat na awitan, anibersaryong handog,
I-nyong lingkod Radyo Natin Guimba'y taus-pusong inilaan,
T-unay na hangarin, dalisay at wagas...bayan ay paglingkuran.
B-ukas-palad, pusong dumaramay, alay gamutan maging ang feeding program,
O-ras ng pagkakaisa'y natutunghayan.
T-inig ng katotohanan, walang kinikilingan...boses ng sambayanan,
O-ras ng Guimba Ngayo'y sadyang kapakipakinabang.
B-uhat ng isahimpapawid radyo ng bayan,
I-sip ay namulat, natutong lumaban,
G-abay sa ating karapatan hangga't nasa katwiran.
Y-aman ng sining at kultura'y pinagsumikapan,
A-nupa't bukas-aklat, alay sa mag-aaral,
N-aging sentro rin ng usapan...bata'y nahuhutok, mga magulang nagdiriwang.
D-agdag kaalaman, magsasaka'y inaabatan,
A-grikulturang programa sa kanila'y inilaan,
N-oo'y makalumang paraan, ngayo'y hi-tech naman,
G-aling talaga ng pinoy di-mapapantayan.
A-ng lahat ng ito'y ating pasalamatan, Manalig ka't Ilocano te Agsapa'y pakinggan,
L-aan ng RNG, para sa bayan. Tunay na Kabalikat ng Mamamayan...
ITO LANG PO ANG MAAARI KONG IHANDOG SA INYONG IKA-5 TAONG ANIBERSARYO. NANINIWALA AKO SA INYONG ADHIKAIN. SANA DUMATING ANG ARAW NA MAKASAMA NYO AKO DYAN. CONGRATULATIONS!!!