Pusher sa Sta Veronica Arestado
KALABOSO si Manuel Dino Adatan y' Iconar, alyas "Bong", 46, hiwalay sa asawa at residente sa Sta Veronica, Guimba matapos mahulihan ng ipinagbabawal na gamot.
Isinagawa ng PNP Guimba na pinangunahan nina PS/Ins. Engracio Calosa, SPO4 Alejandro Fullon, SPO3 Edwin Fernandez, PO2 Romualdo Estabillo at PO2 Allan Miranda kasama sina Prosecutor Eddie Guttierez, Barangay Kagawad Noli dela Cruz at Barangay Tanod Wilfredo Figuracion Sr. ng Sta. Veronica at ng yunit pambalita ng RNG ang isang anti-drug operation sa tahanan ng suspek dala ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Ismael Casabar, RTC Branch 33, Guimba.
Natagpuan sa tahanan ni Adatan ang isang sachet ng marijuana na nakalagay sa drawer; isang sachet ng shabu na hindi pa nadudurog- nakita naman sa may labas ng bintana na pinaniniwalaang itinapon upang hindi na makita; isang sachet na na may bakas pa ng shabu- nakita sa may mesita sa salas na kauubos lamang; 4 na lighter; isang gunting, tatlong toother; isang rolyo ng foil na malapit ng maubos; nakarolyong maliit na foil at perang nagkakahalaga ng P15, 410.00.
Sa pakikipanayam kay Adatan, handa umano itong ituro kung sino at kanino ito nakakakuha ng mga parapernalya at mga droga. Depensa nito, hindi siya ang personal na bumubili ng droga, may ibang taong gumagawa nito para sa kanya. Personal umano niyang gamit at hindi niya umano binnebenta ang natagpuang droga sa tahanan nito
Gayunman, inamin ni Adatan na alam niya ang lugar kung saan nakakabili ng mga ipinagbabawal ng gamot at kung madidiin sa kaso ay handa nitong ibunyag ang taong nasa likod ng bentahan ng droga.
Samantala, 3 kaso ang kakaharapin ni Manuel Adatan. Ito ay ang Violation of Artcle II Section 11, 12, at 15 ng RA#9165.