Dalagitang biktima ng kidnapping sa CLSU Mag-aaral muli
GUSTO na ulit mag-aral at nakakangiti na. Ito ang pahayag ng pamilya ni Mara Katrina Bermejo y' Garcia, 17, 2nd year college student ng CLSU, residente sa barangay San Miguel, bayan ng Quezon. Si Mara ay nakaligtas sa pangingidnap at tangkang pagpatay ng isang college teacher sa Central Luzon State University (CLSU), magdadalawang linggo na ang nakalilipas.
Labis na ipinagpapasalamat ng pamilya Bermejo na unti-unti ng bumabalik ang sigla ng dalagita sa kabila ng mapait na dinanas nito. Hindi kagaya ng mga naunang mga araw na bigla na lamang itong umiiyak kapag naiisip ang sinapit sa kamay ng walang awa nitong teacher.
Matatandaan na noong Nobyembre 10, 2009 kinidnap si Mara. Isinakay ito sa isang van ng apat na kalalakihan kinabibilangan ng gurong si Noel De la Cruz, 25 at naninirahan sa Villa Isidra, Bantug, lungsod ng Muñoz. Piniringan at iginapos ang paa at kamay pagkatapos ay inihulog sa riverbank sakop ng Barangay San Pascual, Talavera. Maswerte itong nabuhay at nakaligtas.
Nang makauwi si Mara sa kanila, agad na nagfile ng kasong abduction at frustrated murder laban sa naturang guro. Request ng pamilya Bermejo na hindi na makapagturo sa alinmang paaralan si De la Cruz.