Galak sa Bulakid

IMG_1422.JPG

MALILIIT na laruang kotseng plastic, pitô at candies, tuwang-tuwa na ang mga bata sa Bulakid. Ngunit sa loob ng ilang oras o araw ay maaaring pagsawaan na ang mga maliliit na laruang plastic. Ang mga candies, sa ilang sandali ay matutunaw sa bibig at maglalaho ang nalalasahang tamis. Gayundin sa 3 kilong bigas, ½ kilong pansit, ½ kilong macaroni, 1supot na tinapay at 1 tasang margarina na ibinigay sa 96 pamilya sa Bulakid noong Disyembre 23.

Sa nababanaag na kahirapan sa komunidad, posible karamihan sa mga nabigyan ay nakunsumo na agad ang ibinigay na pang “noche buena”.

Masasabing panandalian lang ang nadamang kasiyahan ngunit hindi mawawala sa ala-ala ng mga recipients, lalo na’t tuwing sasapit ang Kapaskuhan, ang nakakasabik, masaya at nakakaaliw na “gift giving” sa Operation Damayan: Pamaskong Handog 2009 ng Radyo Natin Guimba. Maliit na bagay man, kakaibang tuwa ang nararamdaman ng mga tumatanggap ng regalo at ng mga nagbibigay sa panahong dinadakila ang pagsilang ni Hesus.

Mula sa pananawagan, pagtugon ng sponsor, pag-iipon ng mga goods, pagtutukoy ng mga benepisyaryo, pamimili, pag-rerepack, pagbiyahe at aktwal na gift giving, ang siyang nagpapakinang sa maliliit na handog para sa mga kapus-palad na kababayan.

Hindi lahat ng pamilya ay nabigyan dahil bumibilang sa 105 ang kabuuang kabahayan sa Bulakid. Bago ang arw ng pamimigay ay nagbahay-bahay ang RNG at 9 na pamilya ang masasabing nakakaluwag na hindi pasok sa tinakdang criteria para makatanggap.

Matatagpuan sa dulong silangan ng Guimba, sa boundery ng Licab at Victoria(Tarlac), ang Barangay Bulakid. Mula sa kabayanan ng Guimba, mahaba-haba ang byahe papunta dito. Gayunman, may 3 ruta ang maaaring mong pagpilian.

Una ay ang maalikabok (maputik naman pag tag-ulan) na ruta, dahil mula sa Guimba to Quezon road ay papasukin mo ang mahabang rough road ng Barangay Cardinal, Nagpandayan at Agcano. Ang ikalawang ruta ay mas mahabang daan ngunit sementado ang lansangan. Ito ay ang daan papuntang bayan ng Quezon, liliko patungong Licab hanggang sa dulo nito. Ang ikatlong ruta ay sementado rin ngunit baku-bako pero mas malapit kaysa ikalawang ruta. Ito ay ang pagtahak sabana ng Victoria. Ang ikatlong ruta ang pinili ng grupo patungo sa Bulakid.

May kababaan ay kalupaan dito, kaya laging binabaha. Karamihan sa kabahayan ay yari pa rin sa kawayan, pawid, sawali at kugon. Hindi lahat ng kabahayan ay may supply ng kuryente. Hindi rin lahat ay may poso. Ang mga residente ay nakikipagtrabaho sa bukiring napag-arian ng ilang pamilya mula sa bayan ng Victoria.

Ito na ang ikalawang beses ng pamamahagi sa Bulakid at sa pagkakataong ito kasama ang grupo ng Batch 82 at ang mga "oldies but goodies" ng Guimbanians' Manitoba, Canada na tila hindi nakakaramdam ng pagod.