Guimba Municipal Hospital Code Isasalang sa publiko (sa Lunes)

Written by: 
RNG FM News/ENERO 29 2010
Program: 

SA Lunes, Pebrero 1, 2010 ay isasalang na sa public hearing ang binalangkas na Guimba Municipal Hospital Code, na pangungunahan ng Sangguniang Bayan ng Guimba.

Ang sinasabing Guimba Hospital Code ay ang nagsasaad ng patakaran at operasyon ng P24M - 2 storey Community Hospital sa Guimba. Sinasabing magbibigay ito ng serbisyong medical sa mga taga- Guimba at training facilities naman para sa mga estudyanteng magmumula sa accredited medical at paramedical schools.

Bubuo ng Board of Trustees na syang may kapangyarihan sa pagpapatakbo ng community hospital. Ang Municipal Mayor ang tatayong Chairman at i- aapoint naman nito ang 6 na myembro, kaya binubuo ng 7 ang Board of Trustees. Ang Board of Trustees ay co-terminus sa termino ng nakaupong Mayor.

Nakasaad din sa Guimba Hospital Code ang pagtatalaga ng Chief of Hospital. Ito ay itatalaga din ng Mayor na maaaring galing sa Municipal Health Officer o Rural Health Physician, kaya posibleng isa sa 2 Doctor na sina Dr. Manny Galapon o Dra. Gene Tadeo ang maapoint na hepe.

Ang Chief of Hospital ay dapat pasado sa qualification standard ng Civil Service Commission at ang kanyang appointment ay dapat dumaan at sang-ayunan din ng Sangguniang Bayan.

Samantala, may sisingiling service fees and charges sa itatayong ospital. Hindi libre ang pagpapagamot. Mas mababa ang charges kung ikaw ay residente ng Guimba kaysa non-residents na kategorya sa tinutukoy na mga beneficiaries.

Nakadetalye sa service fees na ang room rate, na private air-conditioned room ay P500.00 sa residente at Philhealth members at P750.00 sa non resident members habang ang semi-private room na bentilador ang gamit ay P350.00 at P500.00 naman sa non resident.

Ang paggamit ng ambulansya ng pasyente ay nakasaad din. Kung within municipal proper, ang bayad sa ambulansya ng pasyenteng residente sa Guimba ay P100.00 habang P300.00 naman sa hindi taga Guimba. Kung ang pasyente ay ihahatid sa Cabanatuan gamit ang ambulansya ito ay P500.00 sa mga residente at P700.00 sa mga non-resident habang P1,500.00 kung ihahahatid sa Maynila.

Kung ang buntis ay mangangank sa ospital, may charge na P300.00 ang delivery room at ang bagong panganak na sanggol kung ito ay sasailalim sa newborn screening magbabayad naman ng P650.00

Ang laboratory charges naman sa hematology ay P60.00-90.00; blood typing ay P45.00-P60.00. Habang iba-iba ang rate sa x-ray, mula P190.00 hanggang P650.00.

Ang service fee naman ng Doctor o tinatawag na Physician Daily Visit ay P150.00 kung general practitioner at P200.00 sa specialist. Nakasaad din na ang maximum rate ng surgeon kung mag-oopera ay P16,000.00 at ang anesthesiologist ay P5,000.00

Ilan lamang yan sa mga nakasaad na charges na sa darating na public hearing sa Lunes ay pag-uusapan. Kaya inaanyayahan ang lahat na gustong makisangkot sa Lunes, ganap na 2:00 ng hapon sa Munispyo ng Guimba.