Lokal na Partido ng Lakas sa Guimba Umarangkada sa Pagdinig ng Pagpapagawa ng Ospital

Written by: 
RNG FM News/PEBRERO 3, 2010
Program: 

UMARANGKADA sa ginanap na public hearing hinggil sa pagpapagawa ng community hospital nitong Lunes ng lokal na Partido ng Lakas sa bayan ng Guimba, ang Unang Sigaw Partido ng Pagbabago sa pangunguna ni Attorney Virgilio Fabros.

Ayon sa kampo ni Atty. Fabros, mukhang hindi pa napapanahon para magpatayo ng ospital sa bayan ng Guimba; na sinegundahan ng kanyang anak na si Konsehal Ari Fabros sa pagsasabing pre- mature pa para umusad ang planong proyekto ni Mayor Boyito Dizon.

Ani Konsehal Fabros, dapat tinanong muna ang mamamayan ng Guimba kung gusto nilang magkaroon ng ospital; na sinalag ni Municipal Health Officer Doctor Manny Galapon. Paliwanag ni Dr. Galapon, hindi ang mga tao ang magdidikta kung kailangan ba ng bayan ng ospital. Aniya, Department of Health ang magdedisisyon nito na ibabase sa isina- submit na report ng kaniyang pinamumunuang tanggapan.

Matapos ang mahabang paliwanag ni Dr. Galapon, isinunod na tanong ni Atty. Fabros kung paano ba mag-ooperate ang gagawing ospital? Sagot ni Dr. Manny Galapon, magiging libre ito para sa mga indigents at may kaunting bayad naman para sa mga residente ng bayan ng Guimba.

Nag- komento naman ukol dito si Doctor Casimiro "Saming" Galapon na kaalyado ni Atty. Fabros. Aniya, kontradiksyon sa naunang pahayag ng private secretary ni Mayor Dizon na si G. Oliver Domingo, ang paliwanag ni Dr. Galapon. Ayon daw kay Domingo, ipapatayo ang ospital para makalibre sa serbisyong medical ang mga taga Guimba.

Nilinaw naman ni Dr. Galapon na ibabase lang nila ang paniningil sa itatakda ng Department of Health at ng Sangguniang Bayan ng Guimba, dahil wala naman umanong ospital, pribado man o pampubliko ang nagpapatakbo ng dole out.

Hiniling naman ni Sto. Cristo Barangay Captain Marcelo de Vera na ka-Partido rin ni Fabros sa Lakas na ire- schedule ang public hearing dahil puro paliwanagan lang daw ang nangyayari at walang ipinakikitang ebidensya ang administrasyon ni Mayor Dizon, sa mga inuulat nila. Aniya, sana sa susunod na pagdinig ay humarap ang mga opisyales na may kinalaman.

Samantala, sa kabila ng pag- arangkada ng grupo ng Lakas sa bayan ng Guimba sa public hearing, tahimik naman ang kampo nina Doctor Felix Lumang at ni Liberal Party standard bearer Angel Santos tungkol sa pagpapatayo ng community hospital.