Anim na buwan ng nawawalang Hyundai Tucson Natunton ng N.E-PPSMC
NATUNTON na ng mga kapulisan ng Nueva Ecija Provincial Public Safety Management Company (PPSMC), sa isang checpoint ,ang sasakyang 6 na buwang nawawala.
Kahapon ng umaga, Enero 4, 2010, ganap na 10:45 ng umaga, 7 kapulisan sa pangunguna ni SPO3 Lauro AD Puno, sa ilalim ng pamumuno ni P/SUPT Edgar Allan O. Okubo, Company Commander ng N.E-PPSMC, ay nagsasagawa ng check point sa national road ng Barangay Bacayao, bayan ng Guimba nang masabat ang nakatimbreng Hyundai Tucson na kulay silver gray, may plakang NUI 694 at lulan ang isang nagngangalang Larry Samson y’ Tinio, 39, may asawa, magsasaka at residente ng Barangay Triala, bayan ng Guimba..
Sa pagsisiyasat ng kapulisan, ang sasakyang ay nabili umano ni G. Terry S. Martines, residente ng Barangay Cawayan Bugtong ng P300,000.00 kay Smokey Edward Archangel sa Casino Fontana, Clark Air Base, Mabalacat, Pampanga.
Nang matukoy ng PPSMC ang sasakyang nawawala ay agad na pinabatid nila ito sa may-ari na agad naman tumungo kahapon sa Guimba, dala ang lahat ng papeles ng nawawalang sasakyan.
Ang nasabing sasakyan ay nakarehistro kay G. Lourd Ryan Ramos y' Arce, 30, walang asawa, stylish at residente ng 7922 Gonzales St. Barangay Guadalupe, Makati City. Anim na buwan na umanong nawawala ang kaniyang Hyundai Tucson, buhat nang ito ay hiramin sa kaniya ng isang nagngangalang Gary Chua, nasa hustong edad, may asawa at naka tira noon sa Eisen Tower Greenhills Ortigas, San Juan City. Hindi na naibalilk ni Chua ang sasakyan at hindi na rin ito nagpakita sa kanya.
Ayon kay G. Ramos, buhat ng nalaman niyang nawawala ang sasakyan, bandang Setyembre ng taong 2009 ay tinimbre niya ito sa buong kapulisan sa Pilipinas. Kaya, lubos ang kaniayng pasasalamat sa PPSMC sa pagrekober ng kaniyang sasakyan.