Isang Gasoline Boy sa bayan ng Guimba Arestado sa bloke ng Marijuana

Written by: 
RNG FM News/PEBRERO 8, 2010
Program: 

INARESTO ng Nueva Ecija Provincial Public Safety Management Company (PPSMC), sa ilalim ng pamumuno ni Company Commander P/SUPT Edgar Allan O Okubo, ang isang gasoline boy matapos na ito ay makapkapan ng marijuana, kahapon ng madaling araw.

Bandang alas 4:10 ng madaling araw, Pebrero 7, 2010 ay nagsagawa ng isang buy bust operation sa Barangay Sta. Veronica ang PPSMC, sa pangunguna ni SPO3 Lauro A. Puno. Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip ng isang nagngangalang Jaylord Dela Cruz Y’ Cabalar, 26, may asawa, residente ng Barangay Bacayao at gasoline boy sa Total Gas Station sa nasabing Bayan.

Nakuha sa posesyon nito ang isang bloke ng pinatuyong dahon ng marijuana na tripleng ibinalot sa dahon ng saging, dyaryo at masking tape. Tumitimbang ang bloke sa 78.60 grams habang ang isang sachet na naglalaman din marijuana ay may bigat na 3.86 grams. Sa kabuoan ay may bigat na 82.46 grams ang nakumpiska.

Nang kapanayamin kahapon si Dela Cruz, sinabi nito na nagbebeta siya kapag may order. Kinukuha niya ang droga sa isang mag-asawa sa bayan ng Talavera, na sa pangalan lang niya nakikilala.

Sa halagang P1,500.00 ng isang bloke ng marijuana ay naibebenta umano nya ito sa P2,500.00 at ang nakasahchet naman ay P100.00. Aniya pa, binibigyan siya ng pamasahe ng nasabing mag-asawa at patikim sa marijuanang kanyang ibinebenta.

Nakilala ni De la Cruz ang mag-asawa na madalas magpagasolina umano sa dati nitong pinagtatrabahuhan na gasolinahan sa Cabanatuan City . Karamihan sa mga bumibili sa kanya ay mga high school students at ang iba ay mga hindi nag-aaral, dagdag pa nito.

Bago isinagawa ang naturang buy bust operation, nagsubmit ng pre-coordination at pre-operation report sa Philippine Drug Enforcement Agency ang PPSMC noong Pebrero 5, 2010.

Sa impormasyon ng otoridad, ang suspek ay sinasabing may kagagawan sa pagkalat ng droga partikular ng marijuana sa bayan ng Guimba.

Samantala, ipamemedical si Jaylord sa Pacac District Hospital at ihahanda ang kasong paglabag section 11 ng RA 9165 o ang comprehensive drug act. Sa ngayon, ito ay nasa pangangalaga pa rin ng PPSMC.