Ikalawang hearing sa pagpapatayo ng community hospital Gaganapin ngayong araw

Written by: 
RNG FM News/PEBRERO 22, 2010
Program: 

Gaganapin mamayang hapon sa Municipal Auditorium, ganap na 1:30, ang pangalawang hearing hinggil sa pagpapatayo ng community hospital sa bayan ng Guimba.

Magkakaroon ulit ng pagpupulong dahil di gaanong malinaw sa mga dumalo noong unang hearing ang usapin at iilan lamang ang nakadalo sa mga naimbitahan. Iilang mamamayan lamang ang nakadalo na pati miembro ng Sangguniang Bayan (SB) ay hindi kumpleto.

Sa unang pagpupulong ay nanduon ang mga kandidato ng Unang Sigaw Partido ng Pagbabago sa pamumuno ni Atty. Virgilio Fabros subalit ang ibang partido tulad ng grupo ni G. Angel Santos at Dr. Felix Lumang ay hindi dumalo.

Pahayag ng grupo ni Atty Fabros hindi nila tinututulan ang pagpapatayo ng ospital, kanila lamang tinitiyak na magiging maayos ang proyekto sa tamang panahon. Ayaw nila na mangyari muli na may makulong na department heads ng dahil sa proyekto.

Sa pakikipanayam naman kay Dr. Lumang, sinabi nito na dadalo mamaya ang kanilang buong Partido habang si G. Santos ay hindi niya alam kung makakadalo sila.

Samantala noong Biernes sa programang Ituloy Natin Kaibigan, inanyayahan ni Konsehal Jing Cabatbat ang mga tagapakinig na dumalo sa ikalawang hearing ng SB para sa pagpapatayo ng ospital. Dito umano makikita kung sino ang tumututol sa nasabing proyekto.