Mga alalahanin sa planong pagpapatayo ng community hospital Muling inirehistro sa ikalawang pampublikong pagdinig

Written by: 
RNG FM News/PEBRERO 23, 2010
Program: 

MULING inirehistro sa ginanap na ikalawang pampublikong pagdinig ang ilang alalahanin kaugnay sa plano ng pamahalaang bayan ng Guimba na pagpapatayo ng community hospital.

Nitong Lunes, Pebrero 22, 2010, sa Municipal Auditorium, ganap na 2:00 ng hapon, nilahukan ng ibat-ibang sektor sa bayan ng Guimba ang nasabing pagdinig. Mas malaki ang bilang kaysa sa una.

Ngunit bagamat ito na ang ikalawang pagdinig, wala pa ring maipakitang ang Sangguniang Bayan (SB) sa hinahanap ni Kapitan Marcelo de Vera ng Sto. Cristo na feasibility study. Hindi umano nakadalo si Dr. Manny Galapon, ng RHU II-Guimba, na siyang nakakaalam sa hinahanap na pag-aaral.

Sa kabila nito ay sumulong ang pagdinig. Kinuwestyon ang availability ng mga doktor at daludhasa na itatao sa ospital. Sagot ni Konsehal Garry Mangalino, maraming doktor at espesyalista na pinagdudahan naman ni Dr. Felix Lumang, may-ari ng Gumba General Hospital. Aniya, hindi ganun kadali ang mag-imbita ng espesyalista lalo na’t ang consultation fee ng Doctor dito sa bayan ng Guimba ay P150.00- 180.00 gayung ang umiiral ay P300.00-P500.00 na.

Nabuksan naman ni Atty. Virgilio Fabros, na bakit sa ordinance ay may nakalagay na registered voters lang ang libre at makakapag-avail ng assistance hospitalization program. Paano umano ang ibang residente? Bagay naman na hindi nasagot ng SB . Marrin ding sinabi ni Atty. Fabros na hindi libre sa mamamayan ng Guimba ang itatayong ospital, dahil may mga charges at fees na nakalagay sa binalangkas na community hospital code.

Reaksyon naman ni dating Konsehal Bentirez, lubog na umano sa utang ang bayan ng Guimba kaya hindi siya pabor sa pagpapatayo ng ospital na galing sa utang.

Sa panig naman ng kinatawan ng OLSCHO, bakit daw kailangan pang umutang kung pwede namang pondohan ng CDF ng mga mambabatas, tulad ng mga itinatayong Gym sa mga bayan-bayan..

Mungkahi naman ni Kapitan Rodolfo Payog ng Cavite, unahin ang pagtatayo ng mga health centers sa bawat Barangay at lagyan ng mga gamot para hindi lang reseta ang ibinibigay ng RHU sa mga pasyente.

Pahayag naman ni dating Konsehal Gary Garampil, halata umanong inaapura ang pagtatayo sa proyekto gayong aabutan ng election ban. Bakit hindi na lang umano ipaubaya ito sa susunod na manunungkulan? Kung talagang kalinga sa kalusugan ang layunin, ngayon pa lang ay simulan na ang pagbibigay ng libreng gamot at ipagamit sa RHU ang mga equipment.