Vice Mayoralty candidate Nestor Bernardino Namamangka sa 3 ilog
SA programang Sino ba Siya! Peace to Peace ng mga kandidatong Vice Mayor sa bayan ng Guimba noong nakaraang Biyernes, Marso 6, 2010, tanging si Vice Mayoralty candidate Nestor Bernardino ang hindi nakilahok bagamat kinumpirma nito ang pagdalo sa nasabing programa.
Kataka- taka na nang umaga noong Biyernes ay nagtungo sa himpilan ng Radyo Natin Guimba si Doc Felix Lumang na isa sa mga kandidatong Mayor sa ilalim ng Pwersa ng Masang Pilipino. Ipinaalam nito na hindi makakarating sa programa ang kanyang Vice Mayor na si Bernardino!
Tumatakbong Vice Mayor ang huli sa ilalim ng Liberal Party sa pamumuno ni Angel Santos ngunit lumalabas na mas pinili nito na makipag-ugnayan kay Dr. Lumang para sa kaniyang hindi pagdalo.
Matatandaan pa sa programa naman nina Attorney Virgilio Fabros at Vice Mayor Ler de Guzman na Isigaw Natin noong Pebrero 27 ay napag-usapan ang pag-attend ni Bernardino sa isang meeting ng Senior Citizens. Sinabi doon ni Bernardino, sa presensya ni Atty. Fabros, na ang mananalong Mayor ay si Fabros at siya ang magiging Vice Mayor nito.
Bago pa ang pagtalakay nina Fabros at de Guzman sa isyu ay nauna nang nagkomento si Konsehal Enchie Esquivel sa kanyang programang Guimba Ngayon noon namang Pebrero 24, 2010, tungkol sa kontrobersyal na pahayag ni Bernardino. Anang Konsehal, dahil sa sinabi ni Bernardino ay siguradong talo na sa laban si Vice Ler de Guzman!
Dahil dito ay mamumuo ang espekulasyong namamangka si Bernardino sa tatlong ilog, kay Anghel Santos, Atty. Fabros at Dr. Lumang, para masigurado ang pagkapanalo sa Mayo.