Erpat binaril, ginilitan sa harap ng anak
CUYAPO, Nueva Ecija --- Binaril saka ginilitan sa leeg ng panabas ang isang 40-anyos na magsasaka sa harap ng kanyang nagulantang na 3 taong gulang na anak ng ‘di nakilalang salarin noong Martes sa Bgy. Calangcuasan Sur ng bayang ito.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Mayor Amado Corpuz, kinilala ang napaslang na si Randy Oligani Empleo, residente ng naturang lugar na nasawi noon din habang ‘di sinaktan ang anak nitong si Jake Cortez Empleo.
Nabatid sa pagsisiyasat ni PO1 Reynante Menia, dakong alas-11:25 ng umaga, angkas sa motorsiklo ng biktima ang anak nang biglang harangin ng mga salarin na “riding-in-tandem” at pagdaka’y binaril ito, makaraang ibaba ang bata sa lupa. Hindi pa nasiyahan ay ginilitan ang nakahandusay na biktima sa gitna ng tumatangis sa iyak ng nagulantang na paslit.
Mabilis na tumakas ang mga salarin at iniwan ang ginamit na panabas at inaalam ngayon ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen.