Operation Damayan Araw-Araw

balic-balic 053.jpg

Bawat isa ay nasisiyahan kung ito ay nakakatulong sa kapwa. Sa diwa ng Bayanihan ay inilunsad ng Radyo Natin Guimba ang Operation Damayan bilang serbisyo publiko nito sa mga kababayang dumaranas ng matinding suliranin at pangangailangan.

Hangad nito na maisabuhay sa damdamin ng bawat tao ang pakikipag-kapwa anuman ang katayuan sa buhay at sa kabilang bahagi naman ay maipamalas sa mga nangangailangan ang pag-asa sa gitna ng kakapusan.

Pasimula

Agosto 2006. Sanhi ng sunud-sunod na bagyo, ilang residente sa Lalawigan ng Nueva Ecija ang tinamaan ng sakit na gastro-enteritis sanhi ng kontaminadong tubig na kadalasang nagaganap tuwing tag-ulan.

Sa Barangay Tibag, Bayan ng Talugtug, 2 tao ang namatay habang 23 katao ang bumagsak ang katawan dahil sa oras-oras na pagsuka at pagtatae. Ibinalita ito ng Radyo Natin Guimba (RNG105.3fm) sa DZRH-Manila at nakuha ang atensyon ng lokal at nasyunal na Ahensya ng Pamahalaan para sa kanilang kaukulang pagkilos.

Kasabay nito, nanawagan ang RNG105.3fm sa mga indibidwal, propesyunal at negosyante ng tulong medikal. Tumugon ang Aqua de Guimba at sinundan ito ng Blue Corral sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng purified water.

Bagamat tumagal lamang ng ilang araw ang sinuplay na tubig, kumintil ito ng hindi mapapasubaliang pagpapahalaga ng tao sa kapwa. Higit sa lahat nagbigay puwang ito sa mithiin ng Radyo Natin Guimba na maging Kabalikat ng Komunidad.

Konsepto

“Pagbibigay kabuluhan sa mga bagay na hindi na kailangan ng isang tao ngunit may halaga pa rin sa ibang tao”, ang diwa ng Operation Damayan.

Isang katotohanan sa pamayanan ng Guimba at mga karatig Bayan na mayroong mga komunidad ang nakakaranas ng matinding kasalatan sa pagkain, damit at tirahan sanhi ng sari-saring mga kadahilanan. Nanatiling mailap sa kanila ang oportunidad para sa isang disente at nakakasapat na hanapbuhay.

Sa kabilang bahagi naman ay may mga tao na nakakaluwag sa buhay. Sila ang mga taong nasumpungan ang pagkakataon para sa isang maluwag na pamumuhay. Karamihan sa mga ito ay yaong mga nagsumikap at nagtyaga sa pagbabanat ng buto hanngang sa umunlad. Sila din ang mga taong nakakaluwag ngayon ngunit maaaring noon ay nakaranas din ng pangangailangan kung kayat bawat bagay na likha ng kanilang pagpapakapagod ay labis na pinapahalagahan.

Ngunit sa paglipas ng panahon ay itinatago na lamang o sinisinop sa isang lalagyan ang mga bagay na kanilang pinagpaguran bilang pagpapahalaga pa rin sa kanilang produktibong kasaysayan.

Ito ang nais bigyan pansin ng Operation Damayan, ang muling buhayin ang kahalagahan ng mga bagay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga ito sa mga taong kinakapos ng oportunidad.

Reply

CAPTCHA
This question is for testing whether you are a human visitor and to prevent automated spam submissions.
13 + 7 =
Solve this simple math problem and enter the result. E.g. for 1+3, enter 4.