Sa Isyu ng Bataan Nuclear Power Plant... Novo Ecijano Makialam Ka!!!!!

BNPP.jpg

MARAHIL sasabihin mo, “Di naman ako taga-Bataan bakit ako makikialam sa usaping ito?” Malaki po ang dapat maging bahagi ng bawat isa sa atin sa naturang isyu dahil tayo po ay mamamayan ng Pilipinas.

Ngunit bago ang lahat magbalik-tanaw muna tayo sa kung saan nga ba at kailan nagsimula ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) at ilan pang mga detalye kaugnay nito.

Ang pagpapatayo sa naturang planta ay isang diumano’y tugon sa pandaigdigang krisis sa langis noong taong 1973 ng administrasyon ni Marcos. Sinimulan ang pagtatayo ng power plant noong 1973 at natapos noong 1984 na nagdulot sa malaking pagkakautang ng bansa na umabot sa $ 2.3 bilyon. Ang Nuclear Plant na ito ay matatagpuan sa paanan ng Mt. Natib sa Morong, Bataan na 60 milya ( 97 km ) hilaga ng Maynila. Ang naturang planta ay kinabibilangan ng Westinghouse light water reactor na sinasabing makakapagpalabas ng 630 Megawatts na elektrisidad. Madaming pagkilos ang ginawa para ‘di matuloy ang pagpapagawa ng naturang planta ngunit dahil nga Batas Militar ang umiiral sa panahon na iyon kaya’t wala ding nangyari sa mga protesta. Ngunit ‘di pa man din napapagana ang power plant, nakakitaan na ito ng 4,000 depekto sa istruktura at pagkakatayo sa panahon ng administrasyong Aquino kaya’t ‘di ito tuluyang napaandar hanggang sa kasalukuyan. Pinagdusahan ng sambayanang Pilipino ang pagbabayad ng utang at interes nito sa loob ng 20 taon hanggang sa tuluyan na itong nabayaran ng buo noong Abril, 2007 na humigit kumulang P 120 bilyon.

At ngayon nga bigla na namang umuusbong ang isyu ng muling pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant sa ‘di malinaw na kadahilanan.

Hulyo noong nakaraang taon, ipinanukala ni Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, anak ni Eduardo ‘Danding’ Cojuangco, kasangguni si Pampanga Rep. Mikey Arroyo, anak ni PGMA ang House Bill 4631 o ang “Bataan Nuclear Power Plant Commissioning Act of 2008” na tumatawag sa lalong madaling panahong pagrehabilita, pagsasaayos at pagpapaandar ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Sa kasalukuyan, mayroon ng isandaan at siyamnapung (190) pirma na ang naturang panukala sa Kongreso at naaprubahan na ng Energy Committee ngunit nananatiling pinag-uusapan sa Senado at Appropriation Committee. Nagkaroon ng pag-aaral sa mismong planta noong ika-29 ng Enero, 2008 sa suberbisyon ni Energy Department Sec. Angelo Reyes ang International Atomic Energy Agency na binubuo ng walong (8) katao. Disyembre din ng nakaraang taon nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng Dep’t. of Energy at Korea Electric Power Corporation (KEPCo) sa tulong ng National Power Corporation (NaPoCor) upang pag-aralan ng maigi ang posibilidad nga ng pagpapatakbo ng Bataan Nuclear Power Plant.

Ayon kay Energy Sec. Angelo Reyes, may magiging malaking kakulangan sa enerhiya sa taong 2012 kaya ang pagbubukas ng Lakas Nukleyar ng Pilipinas ay isang malaking kasagutan sa nasabing parating na suliranin. Ayon pa rin sa kalihim, makakabawas din sa ‘dependence’ ng mga Pilipino sa enerhiyang nanggagaling sa Langis kung tuluyang mabubuksan ang naturang planta. Ito din daw ay maituturing na ‘cheap, reliable source of electricity’.

Sa kabilang banda, napakaraming protesta ang kali-kaliwang isinasagawa ng iba’t-ibang sector at mga organisasyon laban sa pagsasakatuparan na muling buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant.

Ito ay pinaniniwalaang magiging isang napakalaking pagmumulan ng ‘CORRUPTION’ dahil na rin sa laki ng ilalaang badyet sa naturang proyekto. Ang usapin ng corruption ay hindi na bagong isyu na naging kaakibat na ng Power Plant mula pa lang sa panahong ito’y itinayo.

Ayon naman sa PhiVolcS base sa kanilang masusing pag-aaral sa lokasyon ng BNPP, malaking banta sa seguridad ng buong bansa kapag magkaroon ng pagsabog bunga ng ‘leak’ sa nasabing planta. Tinatayang 300km radius zone ang maaapektuhan ng maaring mangyaring pagsabog sa loob lamang ng ilang segundo. Damay dito ang ating probinsya at ang bayan Guimba. Isa rin sa mga panganib na iniiwasan ay ang biglang pagputok ng Mt. Natib, isang di aktibong bulkan ngunit may pangamba pa din at posibilidad na pumutok. May kasabihan nga, “The longer a volcano is in repose, the more time it has to store eruptive energy, and thus, the stronger the eventual eruption”. Isa pa, kakailanganin pa ng bansa na umaangkat ng Uranium (isang uri ng kemikal na kailangan sa pagpapatakbo ng Nuclear Power Plant) sa ibang bansa dahil walang angking ganitong mineral ang ating bansa. Wala pa ring angking kadalubsahan ang mga Pilipino pagdating sa teknolohiyang nukleyar kaya’t ang sinasabing ‘Source of Employment for Filipinos’ ay walang katotohanan dahil ang lakas panggawa ay magmumula pa rin sa ibang bansa at babayad pa tayo ng mas malaking halaga dahil dolyar o ibang currency ang pag-uusapan. Magkakaroon din ng problema kung saan dadalin ang ‘Nuclear Waste’ na tiyak na ‘Toxic Material’ at mapanganib. Kahit ang Francia at America ay hindi malaman kung ano ang gagawin sa kanilang nuclear waste. Kahit ibaon sa lupa, alam natin na maaaring gumalaw ang lupa at sumingaw ang nuclear waste. Ang toxic nuclear waste ay mapangib sa kalusugan kahit hundred years pa ang nakalipas. Cancer at mga Abnormality ng mga sanggol ang magiging pangunahing epekto nito. Maaari pa ngang maging Target ng terorista ang Nuclear Plant. Ang mga suicide terrorists’ ay ituturing na magandang target ang nuclear power plant sapagkat maraming maaaring masaktan o mamatay. Sa pamamagitan ng sasakyang pandagat, panlupa or panghimpapawid, ang nuclear power plant ay magandang target ng sinumang terorista.

Isa pang punto na dapat nating malaman na ang sinasabing ‘cheap source of electricity’ ay walang katotohanan dahil isa sa malinaw na isinasaad ng panukala ay magkakaroon pa nga ng diyes sentimo
(P 0.10) na dagdag bayad per kilowatt hour na konsumo na bubunuing bayaran ng mga Pilipino sa susunod na lima (5) pagkatapos ngang maisakatuparan ang pagpapaandar ng naturang Nuclear Plant.

Sa inyo pong kaalaman, apat (4) sa ating mga representante sa Kongreso ay pumirma na sa naturang panukala, sila ay sina Eduardo Nonato Joson (First District, Nueva Ecija), Joseph Violago (Second District, Nueva Ecijja), Czarina Umali (Third District, Nueva Ecija) at Rodolfo Antonino (Fourth District, Nueva Ecija).

Gaano po ba tayo nakakasigurado na interes ng Sambayanang Pilipino ang iniisip ng nasabing hakbang gayong ngayong malapit ang Eleksiyon saka binubuksan at minamadaling maipasa ang nasabing panukala?

Ngunit anuman po ang dahilan ng ating mga mambabatas sa pagpirma sa naturang panukala, sana’y ‘di pansariling kapakanan ang kanilang isinaalang-alang kundi ang higit na ikabubuti ng mga mamamayang kanilang nasasakupan.

Isa lang po ang malinaw, na bilang isang Pilipino may karapatan at responsibilidad tayo ‘di lamang sa ating sarili kundi pati sa ating Inang Bayan at Inang Kalikasan. Huwag magpalinlang sa mga ‘BLACK PROPAGANDA’. Huwag magbulag-bulagan, magbingi-bingihan sa mga panawagan!! Huwag na nating hayaang malugmok na naman tayo sa pagkakautang!!! Hindi Lakas Nukleyar ang ating kailangan kundi isang malinis at tapat na paglilingkod mula sa mga nasa katungkulan. Huwag nating hayaang magaya ang Pilipinas sa Three Mile Island sa Pennsylvania at Chernobyl Disaster sa Ukraine!!! Novo Ecijano, may pakialam ka!!! Makialam na ngayon bago mahuli ang lahat!....

Isinulat ni: 
Angelica G. Dalusong

Reply

CAPTCHA
This question is for testing whether you are a human visitor and to prevent automated spam submissions.
13 + 4 =
Solve this simple math problem and enter the result. E.g. for 1+3, enter 4.