Paalisin ang Fermina Bus Hamon ng transport sector sa lokal na pamahalaan ng Guimba.
SA talakayan sa programang Sino Ba Siya: Peace to Peace ng Radyo Natin- Guimba kahapon, nabigyan ng pagkakataong isiwalat ng Tarlac- Guimba Transport Cooperative at Makabayan Jeepney Operator- Drivers Association sa kanilang hinaing at kahilingan sa mga kasalukuyang nanunungkulan at kandidato sa darating na eleksyon.
Sa pamamagitan ng mga lider ng pinagsanib na pwersa ng sector ng transportasyon ay walang preno nilang tinuligsa ang ilegal na operasyon ng Fermina Bus Incorporated sa Guimba na pinapayagan umano ng lokal na pamahalaan na hindi makatarungan sa kanilang panig.
Mula sa verification na nagmula sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City ay napag-alaman ng grupo na walang prangkisa ang Fermina Bus para magsagawa ng operasyon sa Guimba. Sa verification, nakasaad na Dagupan City to Manila via San Carlos ang itinalagang ruta para sa operation ng Fermina kaya lumilitaw na out of line ang nasabing bus.
Walang saysay umano ang Resolution Number 69-09 ng SB na aprubado ng buong SB at ni Mayor Dizon noon pang Agosto 12, 2009 . Sinasaad sa naturang resolusyon na pinapawalang bisa ang Resolution Number 34-09 na nagbibigay ng permiso sa Fermina Bus Incorporated na pumarada at kumuha ng pasaheros sa Municipal Plaza ngunit patuloy pa ring nag-ooperate at nang-aagaw ng sakay sa mga jeep ang naturang bus dahil lumipat lang ito ng paradahan sa Sea Oil.
Dagdag pa ng grupo, sa pakikipag-ugnayan nila sa PNP Guimba ay nakumpirma nilang wala pang go signal o order na nagmumula sa Munisipyo para paalisin ang Fermina Bus.
Kaya panawagan nila sa mga kasalukuyang nanunugkulan at kandidato sa darating na halalan na naghahangad ng kanilang boto, ipatupad ang itinatakda ng batas.