Paano nga ba bibigyan dangal ang boto?

050710martsa 038.jpg

UNA ay tukuyin kung sino sa mga kandidato ang karapat-dapat na mahalal lagpas sa pamantayan na magiliw, matulungin o madaling lapitan, na halos nakikita ngayon sa lahat ng mga kandidato. Kailangang suruin ang mga kandidato batay sa bitbit nilang plata porma de gubyerno at dahil mayroon naman talagang mga kandidatong walang maihayag na plata porma de gubyerno, tanggalin na sila sa mga pagpipilian.

Ang plata porma de gubyerno ay nagsasaad ng mga prayoridad ng isang kandidato sa sandaling maupo sa pwesto. Maaaring ito ay sumusuhay o sumasalungat sa umiiral na kaayusan sa pamayanan. Alinman sa dalawa ang direksyon ng isang plata porma de gubyerno, pareho itong binalangkas para tugunan ang mga kinukunsiderang mahalagang usapin sa pamayanan, batay sa appreciation ng nagbalangkas.

Para makapag-balangkas, rekisitos ang pagsusuri sa kalagayan ng nasasakupan upang matukoy ang mga pangunahin at mga peripheral na usapin na pinaniniwalaang dapat harapin sa panunungkulan sa gubyerno. Kung mababaw ang pagsusuri ng isang kandidato, maging mababaw din o kapos ang mga maitatakdang hantungan sa isang plata porma de gubyerno.

Halimbawa, sa usapin ng kahirapan, bagamat laganap sa buong bansa, may mga partikularidad sa bawat rehiyon, lalawigan, lungsod o bayan. Hindi uubra sa lahat ng pagkakataon ang photo copying ng mga programa. Kailangan ay lapat at malalim ang tumbok para makatibag ng tipak sa mga problema dahil bawat pagsusumikap sa lokal na antas ay ambag sa kabuuan.

Samantala, malaking impluwensya sa direksyon ng plata porma de gubyerno ang taglay na panuntunan sa buhay ng isang kandidato. Makikta ito sa pakikitungo ng isang opisyal sa mga usaping pambayan.

Makamamamayan ito kung ang plata porma niya ay naghahangad na tugunan ang pangangailangan ng nakakarami hindi ng iilan. Makamahirap naman kung nagpapalakas sa kakayahang umunlad sa halip na maging dependent sa pulitiko ang mga under privileged o marginalized sectors. Maka-elitista naman kung walang pagtugon sa problema ng nakakarami at mahihirap.

Matapos ang pamimili ng kandidato, susunod ang PANGALAWANG hakbang. Ito ay ang aktibong pakikilahok ng taong bayan sa pagsasagubyerno. Sinuman ang maupo, kailangan sipat-sipatin ito ng mamamayan sa kaniyang paggampan ng tungkulin.

Dahil kahit santito ang maupo sa pwesto, magiging demonyito din kung hindi magiging malimit at kritikal ang taong bayan sa pakikipag-ugnayan sa gubyernong tinutukso ng kurapsyon at kapalaluan. Dapat ay makagawian ng mamamayan ang harapang pagbibigay ng suhesyon para matiyak na ang kumpas at hakbang ng mga nanunungkulan ay patungo sa kapakanan ng nakakarami.

Walang mangyayari kung sa barberuhan lang napag-uusapan ang mga puna at suhesyon. Kailangan ay aktwal na marinig ito ng kinauukulan. Wala ding mangyayari kung magiging personal ang banat sa isang opisyal dahil ililigaw lang ng poot ang mga obhetibong usaping pambayan.

Mayroon mga opisyal na bukas sa partisipasyon ng tao at meron ding sarado. Lahat ng ito ay dapat pakiharapan ng taong bayan. I-establish ang pagkikipag-ugnayang walang kinukubli o transparent.

Sa mga nakaraan, nasaksihan ng RNG, ang bisa ng sama-samang pagkilos ng mamamayan para impluwensyahan ang pasya ng local government unit at government agencies. Halimbawa nito ay ang closure ng “red light district”sa Kawayan Bugtong; NFA procurement sa inaning palay ng Brangay Yuzon, pagtugon ng NIA sa nasirang farm to market road ng Sitio Caducturan, Sta Lucia at iba pa.

Ito ay bahagi ng pagsasagubyerno ng taong bayan. Ang igiit at akayin ang mga nakaupo sa makatwirang kahilingan ng marami.

Ang PANGHULING hakbang na siyang paniyak para mabigyan dangal ang boto ay ang pagkilos .. NGAYON NA!

Isinulat ni: 
DIEGO POKLONG

Reply

CAPTCHA
This question is for testing whether you are a human visitor and to prevent automated spam submissions.
6 + 3 =
Solve this simple math problem and enter the result. E.g. for 1+3, enter 4.