Pamamahagi ng Pamaskong Handog (2011) sa San Miguel, Maybubon at Macamias (Disyembre 23, 2011)
NAKIKISAKA o nakikipagporsyentuhan lamang sa bukid ang kadalasang hanap-buhay ng mga residente ng Barangay Maybubon, Macamias at San Miguel sa Bayan ng Guimba, at sila pinili na mabiyayaan ng Pamaskong Handog na ini-sponsor ng Association of Guimbanian’s Manitoba Canada at ilan pang may mga mabuting puso noong ika-23 ng Disyembre.
Sa pagpapatuloy ng pamamahagi ng mga pang-noche-buena para sa mga kababayang kapus-palad, 283 pamilya ang napasaya sa naturang 3 Barangay.
Unang pinuntahan ng Pamaskong Handog Team ang San Miguel, na may 7 Sitio at bawat Sitio ay may napiling benepisyaryo na ang ilan pa ay nagsosolo na lamang sa buhay. Karamihan sa mga naninirahan dito ay hindi na magawang maituntong sa Kolehiyo ang kanilang mga anak. Kadalasan ay katuwang na lamang ang mga anak sa pakikisaka.
Sumunod na pinuntahan ang Maybubon, kung saan ay naabutang nakatipon na ang mga benepisyaryo na pawang mga matatanda at pagsasaka din ang ikinabubuhay. Anila, ang kanilang natanggap ay tanging inaasahan nila para may mapagsalu-saluhan ang kanilang pamilya sa Pasko. Laking pasalamat nila sa mailulutong macaroni, bihon, hotdog at makakaing tinapay at palamang margarina.
Bago matapos ang araw ng Biernes, ay huling pinuntahan ang Macamias, na hindi pa man naibibigay ang mga pang-noche-buena ay isinisigaw na ang pasasalamat.
May mga piping bumibilang sa 4 ang nakasama sa mga beneficiaries. Hindi man sila makapagsalita ay mababakas ang saya sa kanilang mga mukha at mga mata.




























