“Kristo” ng sabungan, isang linggo ng nawawala

 

ISANG linggo na mula ng magpaalam sa asawa ang isang "kristo" ng sabungan na dumayo sa sabungan sa Paniqui, Tarlac ngunit magpahanggang ngayon ay hindi pa rin  nakakauwi sa kanilang tahanan, sa hindi malamang kadahilanan.

Ang “kristo” ay nakilalang si Bong Alejandro, alyas “Bubong”, 44, residente ng Barangay Bacayao, Bayan ng Guimba.

Ayon sa asawa nito na si Aling Nora, araw ng Miyerkules, Enero 18 nang magpaalam  ang asawa na dadayo ng sabungan at dahil lagi naman daw dumadayo ay tiwalang makakauwi din agad ang Mister.

Umalis daw ang asawa ng walang kadala-dalang gamit maliban sa suot nitong kulay sky blue na t-shirt at pantalong may punit sa magkabilang tuhod, sakay ng kanilang kulay bughaw na  Rusi motorcycle, na may plate number na 7459 YP.

Kinabukasan nang hindi mahintay si "Bubong" ay nagtungo si Aling Nora sa bahay ng nag-ngangalang Mario, kasamang dumayo ng asawa, residente ng Barangay Maturanok, upang tanungin kung nasaan ang  asawa ngunit ayon dito ay nagpaiwan daw si "Bubong" sa sabungan.

Dagdag pa ni Aling Nora, pupunta sana sila noong araw ng biyernes sa Paniqui para hanapin ang nawawalang asawa pero hindi sila natuloy, dahil nasiraan sila ng sasakyan.

Ang deskripsyon ni Bubong ay putol ang hintuturo ng kaliwang kamay, nasa 5’5” ang taas, kayumanggi ang kulay, malaki ang tiyan, medyo mataba, bilugan ang mga mata, at barbers style angitim na  buhok.

Nanawagan si Aling Nora sa lahat ng nakakakilalasa asawa na ipagbigay-alam sa kanya kung nasaan ito  dahil sobrang nag-aalala na sila.