18 anyos na muli't-muling ginagahasa ng ama, nawala na sa sarili

 

TULALA, hindi makausap, hindi makakilala at hindi nagsasalita, ito ang kalagayan ng 18 anyos na dalaga na nabatid na ginahasa ng  sariling ama.

Ang biktima ay itinago sa pangalang Rose,  residente ng Barangay Lennec, bayan ng Guimba habang ang  ama nito ay si  Antonio Tala, 67, residente rin sa nabanggit na lugar.

Sa panayam kay Aling Lina, ina ng biktima, ika-5 ng Enero ng taong kasalukuyan, habang ito ay nasa trabaho sa Paranaque ay tinawagan siya ni Rose at sinabing na  para na itong mababaliw, dahilan upang puntahan ni Aling Lina ang anak na noon ay nasa Lungsod ng Pasig at doon isinumbong ang pambababoy ng ama.

KInabukasan ay tinawagan ni Aling Lina si Punong Barangay Melchor Cabatbat ng Lennec para isuplong ang asawa na agad namang inimbitahan sa barangay hall nung araw ding iyon.

Sa imbestigasyon ni Kapitan Cabatbat, inamin Mang Antonio na noong Mayo 2006, 13 anyos pa lang ang biktima,  una niya  itong ginalaw.  Naulit pa ng maraming beses noong 2008 at ang huli ay noong Oktubre 10, 2011.

Sa panayam naman ng RNG, sinabi ng suspek na hindi niya pinilit ang anak.

Samantala,  kagabi, (Enero 8, 2012) ay ini-uwi ni Aling Lina si Rose sa Lennec habang ang ama ay nananatiling nasa Barangay Hall, dahil ayaw na nitong umuwi, sa takot na saktan ng mga kaanak ng kanyang maybahay.