7 kalalakihan, arestado sa cara y cruz
HULI sa akto ng mga kapulisan ang 7 kalalakihan habang nagkakara-cruz sa Barangay San Roque West, bayan ng Guimba, kamakalawa.
Ang 7 na agad na naaresto ay kinilalaang sina Henry Bautista y Gumayagay, 32, binata; Hilario Dorigo y Tabago, 34, may asawa; Eulogio Bancifra Jr. y Daguio, 46, may asawa; Reggie Tango y Bruno, 23, may asawa; Samuel Bautista y Gumayagay, 32, may asawa, April Jay Bancifra y Sumawang, 18, binata; Mark Anthony Bancifra y Sumawang, 25, may asawa, lahat ay residente ng naturang Barangay.
Sa impormasyong nakalap sa Guimba Police Station, dakong 3:15 ng hapon noong Myerkules, Pebrero 8, 2012, nang magsagawa ang mga intelligence operatives sa pangunguna ni Police Senior Inspector Romeo Gamis Jr., Deputy Chief of Police, ng anti illegal gambling operations sa naturang lugar kung saan ay naaktuhan ang 7 kallakihan na nagsusugal ng “cara y cruz” sa basketball court.
Nakuha mula sa naaresto ang halagang P445.00 at nananatiling nasa kustodiya ng kapulisan para kaharapin ang kasong illegal gambling.
Sa pahayag ni Deputy Gamis, kung ang lahat ng mga tao sa Barangay ay katulad ng nag-tip sa kanila ng illegal na sugal ay mas masusugpo nila ang lahat ng mga lumalabag sa batas.
