Bahay sa San Roque Hinagisan ng paputok

TAPOS na ang pagsalubong sa bagong taon ngunit mayroon pa ring ang trip ay maghagis ng paputok.

Isang bahay sa Barangay San Roque ang hinagisan ng hindi pa natutukoy na uri ng fire cracker kaninang 12:05 ng madaling araw.

Ang may-ari ng nasabing bahay ay si Gng. Maria Imelda Rios, may-asawa at residente ng purok 3 ng Barangay San Roque.

Ayon kay Barangay Chairman Noel Galapon, pagkatapos ng insidente ay agad ipinaalam sa kanila ng biktima ang pangyayari. Dali- dali naman daw syang pumunta sa tahanan ng Ginang  kasama ang ilan pang barangay officials.

Sa salaysay ng Ginang, bago ang insidente ay mayroon silang nakitang kulay bughaw na Bajaj motorcycle sa tapat ng kanilang bahay (nasa kabilang kalsada) na may sakay na isang lalaki na di naman nila nakilala, ngunit nang maganap na ang putukan ay narinig nito ang andar ng  motorsiklo at ng silipin ay dalawa na ang sakay ng motorsiklo at mabilis na papalayo.

Samantala, lumabas ng bahay ang biktima at nakita nito ang mga nabasag na hollow blocks sa balkonahe sanhi ng hinagis na paputok.

May hinala ang Ginang  kung sino ang may motibo upang perwisyuhin  sila ngunit hindipa muna nito pinangalanan dahil wala pang matibay na ebidensya.