Gunman sa pagpatay kay Mayor Abad, may patong na P1M sa ulo

 

MAGBIBIGAY ng pabuyang P1M ang Provincial Government at P100K naman ang  pamliya ni Carranglan Mayor Restituto Abad sa sinumang makapagtuturo sa gunman na pumatay sa naturang Mayor.

Ito ang nabatid kay Police Superintendent Reynaldo Dela Cruz, Officer in Charge ng Guimba Police Station.

Sa naging pag-uulat ni Police Superintendent Dela Cruz sa Sangguniang Bayan nitong Lunes, Pebrero 20, 2012, pinaghahanap na ngayon ang trigger man na si Jonathan Carpio, at nakilala na din umano ang driver ng kotseng Vios, kulay asul, na sinakyan ni Jonathan upang makatakas ito ngunit hindi pa maaaring pangalanan.

Sa kasalukuyan umano ay may lead na ang kapulisan sa kaso ng pamamaslang kay Mayor Abad at may mga nakatalaga na umanong mga tracker team na huhuli sa mga suspek.  Patuloy din ang isinasagawang imbestigasyon para sa pagkakakilanlan sa master mind.

Matatandaan na noong ika-4 ng Pebrero ay inambus si Mayor Abad kasama ang body guard nito sa Barangay Saranay, bayan ng Guimba at  ika-8 ng Pebrero nang ito ay bawian ng buhay.