Hepe ng tanod sa Barangay La Torre, Talavera, patay matapos pagbabarilin
PATAY ang Hepe ng tanod sa Barangay La torre, Talavera, matapos itong pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek, noong madaling araw ng Linggo, Enero 22, 2012.
Ang biktima ay kinilalang si Randy Onera y Guillermo, 39, may asawa at residente ng Purok Sais sa nabanggit na Barangay.
Sa ulat na nakalap kay PO3 Ernesto Nagano ng PNP Talavera, may hawak ng kaso, dakong 11:30 ng gabi noong Sabado ang biktima ay dumalo sa kaarawan ng isang kabarangay na nagngangalang Vener Solitario y Gloria.
Matapos umanong makipag inuman ang biktima sa ilang kaibigan ni Solitario ay nagpasya na itong umuwi ngunit 15 metro pa lamang itong nakakalayo sa bahay ni Solitario, sakay ng motorsiklo na may plakang 4534 CD ay pinagbabaril ito ng hindi nakilalang suspek, na pinaniniwalaang nag=abang sa mapuno, madamo at madilim na likod ng La Torre Elementary School.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktima na mabilis namang isinugod PJG Hospital sa Talavera Extension ngunit idineklarang dead on arrival ng ilipat sa Lungsod ng Cabanatuan.
Samanatala, narekober sa pinangyarihan ng insedente ang 17 piraso ng basyo ng carbine riffle at isang basyo ng kalibre 45 baril.
Sa kasalukuiyan ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Talavera PNP para sa posibleng pagkakadakip sa responsable sa pagpatay kay Onera.
