Kalsada ng Barangay Banitan, nasisisra sa mga dumadaan na mga Bus

 

MAGMULA ng magawa ang Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX) ay sa Barangay Banitan, bayan ng Guimba na dumaraan ang mga sasakyang bus na Fermina, Florida, Five Star at iba pang mabibigat at malalaking sasakyan na nais mag short-cut papuntang Tarlac, Pampanga at Manila.

Sa panayam kay Barangay Captain Victor Guanzon, bunga ng madalas na pagdaan ng mga naturang sasakyan ay nasisira ang aspaltadong kalsada nila kung kaya napupunta na lamang umano ang halos lahat ng 20% development fund ng kanilang internal revenue allotment (IRA)na nagkakahalaga sa P176,000.00 sa paglalagay ng aspalto sa nabibitak na daan na may habang humigit sa 2 kilometro.

Paliwanag ni Kapitan Guanzon, bilang nanunungkulan ay hindi naman nila matiis na hindi ipagawa ang kanilang kalsada sa tuwing ito ay mabubutas dahil kawawa naman daw ang mga kabarangay na pangunahing motorista, lalo na kapag mayroong emergency na tumatagal ang biyahe dahil sa mga lubak at sirang kalsada.

Mula Guimba papuntang SCTEX ay nasa 35 km lamang ang layo ng biyahe, mas malapit kumpara kung sa Gerona magdaraan ang mga sasakyan.

Samantala, noon pang taong 2010, inirereklamo ng Sangguniang Barangay ng Banitan ang pagdaan ng mga naturang sasakyan sa kanilang lugar sa Tanggapan  ni dating Congressman Edno Joson at pinangakuan daw silang mabibigyan ito ng solusyon ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa namang nagiging aksyon.