Magsasaka, natagpuang lumulutang sa sapa

 

NATAGPUANG lumulutang  sa sapa ng Barangay Tampac Uno ang isang 76 anyos na lalaki, residente ng Barangay San Roque,  noong Enero 7, 2012, ganap na 1:00 ng tanghali.

Ang biktima ay nakilalang si Ferdonio Vicente y Galapon, isang magsasaka.

Sa panayam sa kapatid ng biktima na si Virgilio Vicente y Galapon, may kubo sa bukid ang biktima kung kaya’t minsan ay doon natutulog kapag nagpapatubig ng bukid.

Noong  Enero 6 ng tanghali ay uminom ng alak ang biktima sa kanyang kubo katoma  ang pinsan nitong si Lito Vicente na  umuwi bandang 3:00 ng hapon at iniwang nag-iisa ang biktima.

Kinabukasan, bandang 3:00 ng hapon nang may magtungo sa tahanan ni Virgilio para sabihing patay na ang kapatid nito.Bago puntahan ang biktima ay humingi muna ng police assistance ang kapatid. Pagdating sa sapa ay tumambad ang lumulutang na bangkay ng biktima na kanilang iniahon gamit ang salbabida. Wala namang makitang  palatandaan ng foul play ang mga pulis .