Mga eksena sa Grand Final ng Natatanging Haranista 2011

 

IBA'T-IBANG eksena ang naganap noong gabi ng Grand Finale ng Natatanging Haranista 2011 na ginanap  sa harap ng istasyon ng RNG at live ding napakinggan sa radyo noong Disyembre 22.

Una ay ang masayang  pagdalo ng mga haranista mula sa iba’t-ibang grupo tulad ng Bagong Anyo ng Buhay ng Nueva Ecija inc. Nagkaisang Haranista sa Gitnang Luzon at Bagong Haranista ng Bagong Nueva Ecija.  Kasabay din nito ang pagdating ng mga hurado na syang nagkatay sa mga finalist na kinabibilangan nila Sir Rizaldy Ucol, Sgt. Charlie Duque, Sir Quirino Aganon at Mam Grace Cudal Hilario.

Pangalawa ay ang malugod  na pagdalo  ng isa sa mga sponsors ng programang ang himig natin na si Secretary Oliver Tracy Domingo na nagbigay ng isang maikling mensahe para sa lahat.

Kasunod nito ay ang pagtatagisan sa larangan ng pag-awit ng mga finalist. Ang mga kalahok ay sina Crispin Estabillo at Renato Marte  mula sa Bagong Anyo, Lita Labasan, Mila Garampil, Aidalyn Gonzales at Marcelino Vitales ng Bagong Haranista, Rogelio Doro at Edna Delos Santos ng Nagkaisang Haranista.

Isa pang eksena ay ang awarding sa mga  nanalo sa  showdown. Una sa Best Original Pilipino Music Song na una ng ginanap noong Disyembre 2. Ito ay pinagwagian ni Rene Marte sa awiting Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang na orihinal na kinanta ni Antony Castelo noong 1981. Ang Best Makabayan Song na ginanap naman noong Disyembre 9 ay pinagwagian din ni Marte abang ang Best Ilocano Song na ginanap noong Disyembre 16 ay nakuha naman ni Edna Delos Santos kung saan ang mga prizes ay nagkakahalaga ng P2,00.00.

Kaugnay nito ay isang eksena ang ikinagulat at ikinairita ng mga haranista at manonood nang si Chairwoman Au Diego ng Bagong Haranista  ay nagtatalak at gumayak na magwo-walk out  matapos na hindi nito matanggap ang naging resulta ng Best OPM kung saan na-default ang kalahok nito sa pag-awit na "Hanggang sa Dulo ng Walang Hanggan" dahil una itong inawit  ni Eddie Perigrina bago si Basil Valdez at batay sa binuong patakaran ay  mula taong 1980's pataas ang dapat awitin sa BEST OPM. Si G. Perigrina ay yumao noong 1977.

Sa labanan ay nagkaroon ng 3 elimination round. Unang pinili ang top six at nalaglag si Labasan at Estabillo habang pinaglabanan naman nina Rogelio Doro, Rene Marte at Marcelino Vitalez ang unang pwesto dahil sila ang pumasok sa top 3.

Sa huli pinagwagian ni Vitalez ng Bagong Haranista ang "Natatanging Haranisa 2011 na may premyong P10,000.00, 2nd place naman si Marte ng Bagong Anyo na kinakitaan ng pagka-sports dahil kumamay pa ito sa grand winner at kanyang natanggap ang halagang P7,000.00 at si Doro bilang 3rd place na may premyong P5,000.00.

Hindi naman uuwing luhaan ang 5 finalist  dahil mayroon consolation prize na tig P1,000.00. 

Nakaka-inspired  naman ang mga komentaryo ng huradong si Mam Grace Hilario. Kinapulutan ng aral at kumpyansa sa mga finalist ang mga pahayag nito.  

Bago itanghal ang nanalo ay nagpakitang gilas naman  si Sgt. Duque, G. Cesar Ador Dionicio at si Rey Valdez, ang Natatanging Haranista 2008 winner.

Samantala, pinasasalamatan ng RNg ang lahat ng nagbahagi sa mga pa-premyo na sina  Robinson Corpuz (P7,000.00), Gil Madriaga (P3,000.00), Associations of Guimbanians Manitoba Canada (P4,000.00), Bagong Anyo ng Buhay ng Nueva Ecija (P5,000.00), Konsehal Gavino Jun Lacson (P2,000.00), Secretary Oliver Tracy Domingo (P2,000.00), Kon Garry Mangalino (P2,000.00) at Vice Governor GP Padirenos (P7,000.00).