Mga may Baratilyo, hiniling ang magdamagang pagbabantay ng mga tanod

 

HINILING ng tagapangasiwa ng mga baratilyo at peryahan kay Punong Barangay Judy Dela Cruz ng Sta. Veronica District ang magdamagang pagbabantay ng kanyang mga Barangay Tanod, sa peryahan, para maiwasan ang mga insedenteng nakawan.

Ayon kay Kapitan Dela Cruz, kahapon ay nagtungo sa kanyang tanggapan si BakBak Repugia, caretaker ng peryahan, upang hilingin na ang kanyang mga tanod ay magbantay sa peryahan mula 8:00 ng gabi hanggang sa mag-umaga upang mapigilan ang mga taong mayroong binabalak na pagnanakaw sa mga baratilyo.

Mayroon daw kasing isang tindahan ang nilaslasan ng tolda na pantabing sa mga paninda kamakailan na maswerte namang hindi nanakawan. Bilang aksyon, kagabi ay inatasan na ni Kap Judy ang kanyang 6 na tanod na magbantay sa peryahan upang maiwasan na maulit ang naturang pangyayari.

Bilang pasasalamat  ay nag-alok naman si Refugia na mag-aabot sila ng kaunting halaga sa mga tanod na magbabantay.

Samantala, nakikiusap si Kap Judy sa mga magulang na may mga anak na edad 13 hanggang 17 anyos na kung maaari ay pigilin ang mga ito na maglakwatsa pa sa dis oras  ng gabi upang makaiwas sa mga masamang insidente.