Riding in tandem, daplis sa pamamaril, suspek nakilala
ISANG kaso na naman ng pamamaril ng riding in tandem ang naganap sa bayan ng Guimba nitong Enero 7 ng taong kasalukuyan kung saan 2 kalalakihan ang pinagbabaril na maswerteng hindi tinamaan.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Elmer Racosa y Villanueva, 32, may asawa, tricycle driver, residente ng Barangay Saranay at Marvin Calix, residente naman ng Barangay Sta. Veronica habang tinukoy ng mga ito ang isa sa mga suspek na si Bryan Ramos ng Barangay Cawayang Bugtong, Zulueta Subdivision..
Sa ulat na nakalap sa Guimba Police Station, dakong 7:05 ng gabi habang papauwi na ang magkaibigan nang bigla silang hinintuan ng isang kulay itim na motorsiklo na walang plaka na sinasakyan ni Bryan (back rider) at isang hindi nila nakikilalang kalalakihan (driver). Agad umano nilang napansin si Bryan na may hawak na baril na akmang itututok sa kanilang direksyon dahilan para makaiwas sila bago pa man pumutok ang baril.
Makalipas ang pamamaril ay agad na tumakas ang 2 suspek patungong Zulueta Subdivision.
Sa pahayag ni Elmer, may alitan si Bryan at ang kanyang kapatid na si Jimboy Racosa na umabot sa pagsampa huli ng kasong frustrated murder at grave threat laban kay Bryan.
Samantala, narekober ng kapulisan sa pinangyarihan ng insidente ang 8 basyo ng kalibre 45 baril at isang slug.
