Survey sa mga nakatira malapit sa mga ilog,sinasagawa ng MPDO
KASALUKUYANG naglilibot ngayon ang Guimba Municipal Planning and Development Office sa mga residenteng nakatira malapit sa mga ilog sa buong Bayan ng Guimba at nagsasagawa ng socio cconomic survey.
Sa panayam kay MPDO Task Force Joel Sateo, inisyal umanong layunin ng survey na malaman ang kondisyon ng mga septic tank ng mga mamamayang nakatira malapit sa mga ilog at sapa na maaari umanong pag-galingan ng mga sakit.
Inaalam din sa survey ang mga personal na impormasyon, mga eksperyensa sa pagbaha, mga buhay o ari-ariang nasira dahil sa pagbaha, nakikitang dahilan ng pagbaha at mga sakit na nakukuha dulot ng pagbaha.
Nabatid kay Sateo na ang survey ay para sa buong Nueva Ecija na maaari umanong umabot sa re-widening ng mga ilog.
Nakikita umanong dahilan sa pagdami ng mga basura sa ilog ay ang pagtatapon ng mga residenteng malapit sa ilog.
Dagdag pa ni Sateo, nagsimula silang magsurvey noong Lunes, Pebrero6, 2012 kung saan ay binibigyan nila ng guide questionaire ang mga Barangay at kanilang babalikan matapos ang isang linggo.
