70 kariton Pumarada sa Licab

Written by: 
RNG FM News/MARSO 28, 2011
Program: 

BUMIDA sa parada ang 70 kariton na hila-hila ng mga kalabaw sa bayan ng licab kahapon ng umaga. Ang Kariton Festival ay bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang para sa ika 117th, founding anniversary ng bayan ng Licab.

Ito ang ikatlong taong pagparada ng mga kariton sa nasabing bayan kung saan ang mga ito ay pinalamutian. May kariton na may bahay kubo at may mga tanim na halaman at alagang hayop. May kariton na tila isang baryong may bayanihan, karitong may dalang mga palay, may karitong hip hop, may kariton ding tila taniman ng gulay.

Ang mga kariton na hila ng kalabaw na pangontra sa balahaw ang kadalasang gamit ng mga magsasaka sa nasabing bayan para kuhanin sa bukid ang mga aning palay. Sa Licab kasi tumatapoan ang tubig-ulan mula sa mga karatig bayan kaya't maputik ang karamihan ng bukirin.

Samantala, ang parada ay nagsimula kahapon ganap na 9:00 ng umaga, mula sa Barangay San Casimiro. Dumaan ng Poblacion Norte, Poblacion Sur , San Juan at natapos sa Munisipyo ng Licab kung saan nagkaroon ng maiksing programa para sa pagpili ng best kariton.

Ang nanalo sa ikatlong pwesto para sa best kariton na nagkamit ng P10,000.00 ay ang kariton ng Barangay Tabing Ilog; Barangay San Cristobal naman ang nakakuha sa ikalawang pwesto na nagkamit ng P20,000.00 at sa unang pwesto ay ang kariton ng Barangay Linao.

Proud na proud ang mga nanalo dahil ipapakita sa TV noon time show na Eat Bulaga ang kanilang mga kariton.