3 lalaki Arestado sa nakaw na 3 kalabaw
NAARESTO noong Biernes ng hapon sa isinagawang entrapment operation ng Cuyapo Police Station kasama ang Provincial Public Safety Company (PPSC) na nakabase sa bayan ng Cuyapo ang 3 lalaki na suspek sa ninakaw ng 3 kalabaw.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Ernesto Adloc y Bonavillo, 63, may asawa at residente ng Barangay Barangugong, bayan ng Tayug, lalawigan ng Pangasinan, Jimmy Banaga y Castillo, 50, may asawa at residente ng Brgy. Capandanan, bayan ng sta. Maria, lalawigan ng Pangasinan at Renato Sumalbag y Garcia, 28 anyos, binata at residente ng Barangay Latap, bayan naman ng Cuyapo.
Ayon kay PO3 Abraham Florendo, Officer In Charge sa kaso, naaresto ng grupo ni PO3 Romeo Purlucas ng PPSC at grupo ni PSInsp. Aniano Madrid ng Cuyapo Police Station ang tatlo sa Barangay. Malineng matapos na makatanggap ng report na may bentahan doon ng mga kalabaw.
Hila-hila ni Sumalbag ang isang kalabaw at ipapakita sana kina Adloc at Banaga, kapwa mga buyer, nang maaresto ang mga ito.
Unang hinanapan ng mga papeles na nagpapatunay na pag-aari ni Sumalbag ang kalabaw ngunit bigo itong makapagpakita ng dukomento kung kaya't inaresto ito. Narekober kay Sumalbag ang 2 pang kalabaw.
Samantala, napag alaman na ang may ari ng kalabaw ay kinilalang si Jojo Cucio ng Barangay Pasong Inchik. Naibalik na dito ang 3 kalabaw nito na nawala noong ika-20 ng Hunyo ng gabi.
Si Sumalbag, Adloc at Banaga ay kasalukuyan ngayong nakakulong sa lock up section ng Cuyapo Police Station.